TINGNAN: Paggunita ng mga naulila ng 'Yolanda'

ABS-CBN News

Posted at Nov 08 2016 11:45 AM

Isang misa ang isinagawa Martes ng umaga sa Tacloban para sa paggunita sa ikatlong taong anibersaryo ng pananalasa ng bagyong Yolanda.

Ginanap ang misa sa Tacloban Astrodome at pinangunahan ito ni Naval Bishop Felomino Bactol.

Dumalo rin sa okasyon ang ilang opisyal, mga empleyado ng city hall at Yolanda survivors.

Isa sa mga nakitang dumalo sa misa ay sina Senador Ferdinand "Bongbong" Marcos, dating alkalde ng Tacloban na si Alfred Romualdez at asawa nitong si Cristina Romualdez, ang kasalukuyang alkalde ng lungsod.

Samantala, maaga rin nagsidatingan sa mass grave sa Tacloban ang mga kaanak ng mga nasawi sa hagupit ng bagyo.

Mahigit 6,000 ang nasawi sa paghagupit ng bagyo nang una itong tumama sa kalupaan sa Eastern Samar noong a-8 ng Nobyembre 2013.

Libu-libo rin ang nananatiling nawawala sa pananalasa ng bagyo. with reports from Ranulfo Docdocan and Jenette Ruedas, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.