Lalaki natagpuang patay sa Bacoor

Karren Canon, ABS-CBN News

Posted at Nov 08 2016 10:34 AM

TABACO CITY – Naiuwi na sa kanilang tahanan sa Albay ang bangkay ng isang 19-taong gulang na lalaki na natagpuang patay sa garahe ng bahay ng kanyang amo sa Bacoor, Cavite.

Hindi lubos maisip ni Aloida Dacir na bangkay nang uuwi sa kanilang bahay sa Barangay Buang, Tabaco City sa Albay ang kanyang anak na si Mervin matapos ang tatlong buwang pagtrabaho sa isang computer shop sa Maynila.

Miyerkules noong nakaraang linggo nang matagpuang patay matapos magbigti ang kanyang anak, ayon sa impormasyong ibinigay sa kanila ng mismong amo nito.

Pero hindi naman naniniwala ang ama ng biktima na nagbigti ito dahil ang alam nila ay nagpaalam na si Mervin na aalis sa trabaho noong araw na natagpuan itong patay.

Problema lang ngayon ng pamilya Dacir ang gastos sa pagpapalibing lalo na't hindi na daw nila ma-contact pa ang amo nito.

Lumapit na sa Tabaco Police station sa Albay ang kaanak ni Dacir para makipagtulungan sa Bacoor, Cavite police station para sa masusing imbestigasyon sa kaso.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.