PatrolPH

Mga bata puwedeng sumakay sa mga pampublikong sasakyan: MMDA

ABS-CBN News

Posted at Nov 07 2021 03:45 PM | Updated as of Nov 07 2021 06:12 PM

Watch more News on iWantTFC

MAYNILA — Nilinaw ngayong Linggo ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na puwedeng sumakay sa mga pampublikong sasakyan ang mga bata, taliwas sa naunang pahayag ng ibang opisyal.

Sa panayam ng Teleradyo, sinabi ni MMDA Chairman Benhur Abalos na pinapayagan ang mga batang sumakay sa mga pampublikong sasakyan sa ilalim ng Alert Level 2, na ngayo'y umiiral sa Metro Manila.

Nagkaroon lang aniya ng "miscommunication" sa Inter-Agency Council for Traffic (IACT) kaya nasabi noong una na bawal ang mga bata sa mga public utility vehicle (PUV).

"Ang sabi sa'kin ni [Transportation Undersecretary] Steve Pastor, nagkaroon lamang ng miscommunication sa IACT pero puwede raw ang mga matatanda at bata sa public transportation," ani Abalos.

Pinag-aaralan naman ng MMDA kung ipatutupad na ulit ang number coding o truck ban, lalo't unti-unti nang tumataas ang bilang ng mga sasakyan sa kalsada at nararamdaman na rin ang holiday rush.

Ayon kay Abalos, bago ang pandemya'y nasa 405,000 ang mga bumibiyaheng saskayan sa EDSA at ngayo'y nasa 402,000 o halos 3,000 na lang ang pagkakaiba.

Tinitingnan ng mga opisyal kung puwedeng ibalik ang number coding kahit hindi pa ibinabalik sa 100 porsiyento ang passenger capacity ng mga PUV, ani Abalos.

Simula Huwebes, itinaas sa 70 porsiyento ang kapasidad ng mga pampublikong sasakyan sa Metro Manila at ilang karatig-lalawigan. Titingnan dito kung magkakaroon ng hawahan sa COVID-19 at kung maaari nang ibalik sa 100 porsiyento ang kapasidad.

Bukod umano sa mga sasakyan, nagdudulot din ng trapiko ang ginagawang MRT project sa North Avenue.

— Ulat ni Robert Mano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.