Hot meals, food packs hatid sa barangay sa San Miguel, Catanduanes

ABS-CBN News

Posted at Nov 07 2020 09:54 PM | Updated as of Nov 07 2020 09:55 PM

Nagpunta sa San Miguel, Catanduanes ang Sagip Kapamilya para maghain ng mainit na pagkain sa mga residente. ABS-CBN News

Kinalbo ng bagyong Rolly ang mga bundok sa bayan ng San Miguel, Catanduanes, at ang pinakanapuruhan ay mga puno ng abaca na pangunahing kabuhayan ng mga residente. 

Ang mga magsasaka sa barangay Kilkilihan, pinagtatiyagaan ang pag-ani ng mga abaca na pinadapa ng bagyo. 

"Yung mga tumumba na yan, dalawang buwan pwede pa mapakinabangan, mga tatlo, apat di na mapapakinabangan bulok na . . . Tatlong taon bago kami makaprodukto ulit niyan," ayon sa residenteng si Jennis Soriao. 

Kalahati ng mga bahay sa barangay ang nawasak sa lakas ng super typhoon. 

Watch more in iWantTFC

Wasak din ang paaralan ng barangay at damay ang mga modules ng mga estudyante. 

Inaaalala na ngayon ng gurong si Merly Aguilar kung paano popondohan ang modules para sa nalalabi pang tatlong quarter ng taon. 

"Nagbigay yung division office namin ng coupon bond bago magbagyo, dineliver yung coupon bond, nagbagyo ng Sunday ba yun. Kaya nabasa yung mag coupon bond. Kung heto nga na first quarter hindi pa namin nagagawa lahat ng module kasi kulang-kulang sa materials. Paano pa ngayon?" ani Aguilar. 

Inaalala rin ng mga residente ang peligro sa kanilang buhay dahil napapagitnaan ang barangay ng mga bundok na kinatatakutang gumuho, at may ilog pang madaling umapaw.

"Sana ma-relocate yung barangay namin, kasi malaki na yung hindi safety. Yung evacuation namin halos nasa 20 household lang ang pwede makapasok, so halos kulang," ayon sa barangay chairman na si Larry Bernal Jr. 

Pero mas naiisip nila ang agarang pangangailangan na mairaos ang bawat araw. 

Nagdala ang ABS-CBN ng food packs na may bigas at delata sa barangay. Dala rin ang mobile kitchen ng Sagip Kapamilya para maghain ng mainit na pagkain sa mga residente. 

-- Ulat ni Bernadette Sembrano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.