‘Emergency response ng QC barangay apektado ng Dario Bridge u-turn closure’

ABS-CBN News

Posted at Nov 07 2020 09:10 PM

Isa ang u-turn slots sa Dario Bridge sa mga isasarang 13 u-turn slots sa EDSA para mapabilis ang biyahe ng mga bus sa EDSA busway. ABS-CBN News

Nangangamba ang isang opisyal ng barangay sa Quezon City sa napipintong pagsasara ng u-turn slot sa Dario Bridge sa EDSA.

Isasara ang naturang u-turn slot pagdating ng Nobyembre 9. 

Pero para kay Barangay Apolonio Samson chairman Elizabeth De Jesus, mahihirapan silang tumawid para magresponde sa mga emergency kapag isinara ang u-turn slot, at ang u-turn slot sa Oliveros drive. 

Watch more in iWantTFC

"Malaki ang negative impact sa amin. Tatakbuhin lang namin 'yun barefoot. Hindi namin dala ang sasakyan. Kaya naman baka hindi namin marespondehan ang emergency cases na itatawag sa amin ng mga residente," ani De Jesus.

Mapipilitan din aniya silang mag-counterflow. 

Parte ang pagsasara ng u-turn slot sa layunin ng Metropolitan Manila Development Authority na pabilisin ang biyahe ng mga bus sa EDSA busway 

Ayon kay MMDA spokesperson Celine Pialago, handa naman daw silang makipagpulong sa barangay. 

"Siguro ang pag-uusap ay magabayan namin sila saan sila maaaring dumaan at saan magiging mas mabilis sa kanilang pagresponde," ani Pialago. 

Aabot sa 13 u-turn slots sa EDSA ang isasara para sa proyekto ng MMDA. -- Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.