PatrolPH

Driver patay nang mahulog ang van sa creek sa Bacoor

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Nov 07 2020 03:59 AM

MAYNILA - Patay ang driver ng isang van matapos itong bumulusok sa creek malapit sa ginagawang tulay sa Daang Hari Road sa Molino IV, lungsod ng Bacoor, Cavite, Huwebes ng madaling araw. 

Ayon sa ulat ng Bacoor City Police, nawalan ng kontrol sa minamaneho niyang L300 van na si Leon Atienza Jr., 54, sa kurbada malapit sa isang mall sa direksyon papuntang Alabang alas-12:30 a.m.

Dahil walang harang sa gilid ng tulay, dumiretso ang van pabagsak sa creek at tumama ang sasakyan sa malaking pipe na bakal na nasa creek. 

Nawalan ng malay si Atienza na malubhang nasugatan at kinailangan pang ilagay sa stretcher. 

Idineklara siyang patay sa ospital ng ala-1:50 a.m.. 

Ayon kay Police Staff Sgt. Edison Fetalcurin, posibleng mabilis ang naging pagtakbo ng sasakyan at hindi ito nailiko agad ng driver sa kurbada. 

Nilagyan ng dagdag na danger sign at light bulb ang kurbada kasunod ng insidente. 

Isinasailalim sa pagpapaluwag ang tulay mula pa noong Setyembre. 

May mga streetlights sa kahabaan ng Daang Hari pero sa pagdaan ng news team Biyernes ng madaling-araw, nakapatay ang ilan sa mga ito lalo sa lugar malapit sa site ng bridge-widening project.

Isa ang kakulangan sa ilaw at direction markers sa mga nagiging dahilan ng pagbangga sa Daang Hari na bumabagtas mula Bacoor papuntang Alabang sa Muntinlupa. 

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.