Pagtanggap ni VP Leni sa anti-drug chair post walang kinalaman sa 2022 elections

ABS-CBN News

Posted at Nov 07 2019 04:55 PM | Updated as of Nov 07 2019 07:09 PM

Vice President Leni Robredo nang kumpirmahin niya ang pagtanggap sa posisyon bilang co-chairperson ng Inter-agency Committee on Anti-illegal Drugs sa isang press conference sa Quezon City. Jire Carreon, ABS-CBN News

(UPDATE) Iginiit ngayong Huwebes ni Vice President Leni Robredo na walang kinalaman sa presidential elections sa 2022 ang pagtanggap niya sa posisyong co-chairperson ng komiteng lumalaban sa ilegal na droga.

"Kung iniisip ko 'yong 2022, hindi ko 'to tatanggapin kasi too much of a risk," ani Robredo habang namimigay ng solar kits sa mga residente ng Sitio Macantog sa Tanay, Rizal.

"Nadedehado masyado ang mga kababayan 'pag kaming nakaupo, tinitingnan na ang 2022. 'Pag inisip ko 'yong 2022, aakyat ba ako dito sa bundok na kaunti ang tao?" aniya.

Bago tinanggap ni Robredo noong Miyerkoles ang pagkakatalaga sa kaniya ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang co-chairperson ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD), nauna nang sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na maaaring magamit ni Robredo ang pagkakatalaga sakaling tumakbo ito para sa pagkapangulo sa 2022.

Ayon kay Robredo, nakatakda siyang makipagpulong sa mga opisyal ng mga ahensiya sa ilalim ng ICAD, kasama ang kaniyang co-chairperson na si Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Aaron Aquino.

Watch more in iWant or TFC.tv

Babaguhin umano ni Robredo ang ilang patakaran ng gobyerno sa drug war.

"Papalitan natin 'yong metrics. Hindi sa numero ng pinapatay pero 'yong metrics sa numero na pinapabuting buhay," aniya.

Posible rin siyang sumama sa mga drug raid ng mga pulis at pag-inspeksiyon ng Bureau of Customs.

Gusto raw ni Robredo na isama sa ICAD ang mga taga-pribadong sektor gaya ng mga advocacy group at simbahan.

"Kung minsan 'pag lahat gobyerno, may tendency na alam mo 'yon, parang magsarili, na hindi nabibigyan ng boses 'yong iba," aniya.

 'DI DAPAT MALIITIN'

Sinabi naman ni dating PDEA chief Dionisio Santiago na hindi dapat maliitin ng publiko ang kakayahan ni Robredo na pangunahan ang giyera kontra droga ng administrasyon.

Binigyang diin ni Santiago ang karanasan ni Robredo bilang public servant at abogada.

"Huwag n'yong ismolin ang ale ha, especially kapag nakakuha ng magaling na adviser 'yan," ani Santiago.

Pinayuhan din ni Santiago si Robredo na linawin muna sa pangulo kung ano ang mga gagampanan niya bilang co-chairperson bago pormal na manungkulan.

Watch more in iWant or TFC.tv

Dapat din umanong kumuha ng magaling na adviser si Robredo at huwag agad magtiwala sa mga taong nakapaligid sa kaniya sa bagong posisyon.

"Huwag siyang maniniwala doon sa makikita mo na mababait kuno, matitino kuno, 'yon pala ang totoo maraming kulong nakatago," aniya.

Dapat din daw ipakita ni Robredo ang kaniyang katatagan bilang pinuno ng mga ahensiya ng ICAD.

Puwedeng panagutin ni Robredo sa pangulo ang mga taong hindi susunod sa kaniya, ayon kay Santiago.

Ayon naman sa University of the Philippines (UP) professor na si Fe Villamejor-Mendoza, kita ang punto ng marami na "political suicide" ang naging desisyon ni Robredo na tanggapin ang posisyon.

Pero naniniwala si Mendoza, dating dekano ng UP National College of Public Administration and Governance, na gusto lang talaga ni Robredo ng pagbabago kaya tinanggap ang alok ng pangulo.

Samantala, inaayos na nina Sen. Panfilo Lacson at Robredo ang petsa ng kanilang magiging pulong sa isyu ng ilegal na droga.

Ayon kay Lacson, nag-text sa kaniya si Robredo tungkol sa alok niyang mga dagdag-impormasyon kung paano lalabanan ang operasyon ng ilegal na droga. -- May ulat nina Adrian Ayalin at Sherrie Ann Torres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.