Mga snatcher na nakamotorsiklo nambiktima sa QC

ABS-CBN News

Posted at Nov 07 2019 05:04 PM | Updated as of Nov 07 2019 08:37 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Sapul sa CCTV ang pambibiktima ng mga snatcher na sakay ng motorsiklo sa Eugenio Lopez Drive, Quezon City noong Miyerkoles ng gabi.

Sa kuhang video, kita ang motorsiklong paikot-ikot sa Barangay South Triangle na tila ba naghahanap ng mabibiktima.

Huminto ito sa Eugenio Lopez Drive, at target pala nila ang mga naglalakad sa naturang kalsada. 

May isa pa silang spotter na nakaistambay sa katapat na restoran.

Nang makakuha ng tiyempo, hinablot ng lalaking sakay ng motorsiklo ang bag ng isang babae sabay haripas ng takbo.

Sunod na tumakas ang spotter sakay ng hiwalay na motorsiklo.

Ayon sa kagawad ng barangay, tila bagong istilo ito ng mga kawatan para hindi maging kaduda-duda ang mga riding-in-tandem.

"Iba na ang istilo nila. Isa na lang ang sakay ng motor para hindi alarming at hindi maging riding-in-tandem. Iniikutan namin kaya lang mukhang kami ay binabantayan din," ani Tomas Paguirigan, kagawad ng Bgy. South Triangle. 

Sabi pa ng mga tagabarangay, ito na ang ikatlong insidente ng pagnanakaw ng mga nakamotorsiklo sa loob ng 1 buwan. 

Dahil dito, mas pinaigting ng Quezon City Police District (QCPD) ang police visibility at naglagay na rin sila ng mga checkpoint sa nasabing barangay.

Patuloy na tinutugis ang mga nakamotorsiklong salarin. 

—Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.