Ilang barangay sa Davao del Sur, walang malinis na tubig matapos ang lindol

Clarabelle Cornelio, ABS-CBN News

Posted at Nov 07 2019 09:09 PM | Updated as of Nov 07 2019 09:49 PM

Lumilinaw na ng tubig sa Barangay Kiba-o sa bayan ng Matanao sa Davao del Sur pero hindi pa rin ito pwedeng gamiting pang-inom. Clarabelle Cornelio, ABS-CBN News

MATANAO, Davao del Sur – Walong barangay sa bayan ng Matanao ang may problema sa tubig dahil nasira ang kanilang water system bunsod ng lindol.

Mga 200 residente ng Barangay Kiba-o ang pinakaproblemado, dahil hindi puwedeng magamit pang-inom ang kanilang tubig.

“Maiinom pa rin nila iyan delikado na magkasakit sila," ayon kay Bernadette Baldevie ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO).

Umaasa na lang sa rasyon ng tubig mula sa lokal na pamahalaan at pribadong sektor ang mga residente ng barangay.
 
Bagama’t lumilinaw na ang tubig, panligo at laba pa lamang ito at hindi pa maaaring inumin.

“Malaki talaga epekto sa amin kasi matapos ang malakas na lindol, nasira ang tubig namin spring ito mula sa Barangay Balabag, 18 kilometers ang layo mula sa barangay," sabi ni Bimbo Bacamante, administration officer ng Barangay Disaster Risk Reduction Management Council (BDRRC).

Nakatakdang isumite naman ang sample ng tubig sa Davao City upang malaman kung positibo ito sa E. coli bacteria.

Bukod sa rasyon mula sa LGU, nananawagan pa rin ang mga residente ng tulong mula sa pribadong sektor dahil hindi sapat ang tubig na nakukuha nila.

Isang bahay sa lugar ang gumuho dahil sa lindol. Wala naman naiulat na nasugatan sa nangyari.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.