Humanitarian group na tumutulong sa Mindanao quake umalma sa 'red tagging'

ABS-CBN News

Posted at Nov 07 2019 04:12 PM | Updated as of Nov 07 2019 10:24 PM

MAYNILA — Umaalma ang isang humanitarian aid group na aktibong tumutulong sa mga nasalanta ng lindol sa Mindanao matapos silang ma-red-tag o iugnay sa mga rebeldeng grupo. 

Pinagpapaliwanag ngayon ng Citizens Disaster Response Center (CDRC) ang Armed Forces of the Philippines (APF) kung paano napasama ang kanilang organisasyon na iniuugnay sa mga rebelde.

Noong isang araw kasi, kabilang ang CDRC sa pinangalanan ng AFP na umano'y "sympathizer" ng New People's Army (NPA).

Pero depensa ni Kim Leduna, executive director ng CDRC, paanong mapapasama sila sa hanay ng mga rebelde gayong miyembro sila ng Disaster Risk Reduction Network Philippines (DRRNetPhils).

"Ang pag-implement ng development programs sa communities are not acts of terror so gusto namin i-question yun sa AFP kung bakit ano 'yung basehan nilang tawaging terorismo 'yung ginagawa ng mga organization," hinaing ni Leduna.

Ang DRRNetPhils ay kalipunan ng mga non-government organizations na tumutulong sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa pamimigay ng tulong sa mga biktima ng sakuna.

Nanawagan ang CDRC ng dayalogo sa AFP para hingan ito ng paliwanag.

Apektado na umano ang trabaho ng CDRC field workers sa Mindanao.

"Malaking danger sa safety ng personnel 'yun, siyempre nakakabagal din ito sa ongoing operations sa Mindanao," ani Leduna.

Bukod sa CDRC, may 6 pang network organization ang nasa listahan ng militar.—Ulat ni Zandro Ochona, ABS-CBN News​

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.