Higit 100 residente sa Bataan, inilikas dahil sa banta ng alon sa dagat

ABS-CBN News

Posted at Nov 07 2019 11:02 PM | Updated as of Nov 07 2019 11:20 PM

Higit 100 na residente sa isang barangay sa bayan ng Mariveles sa Bataan ang inilikas dahil sa banta ng malalakas na alon ng tabing dagat nitong Huwebes.

MARIVELES, Bataan - Higit 100 na residente sa Mariveles, Bataan ang inilikas ng mga awtoridad dahil sa banta ng malalakas na alon ng tabing dagat sa Barangay Biaan nitong Huwebes.

Ipinadala sa elementary school ng Brgy. Sto. Nino ang mga bakwit matapos magsitaasan ang mga alon simula umaga.

Ang mga ibang residente, nagtulong-tulong na lang para maisalba ang iba pang mga bangka.

“Kung sasabihin po natin, napakatindi po talaga ng pinsala kasi napakalakas po ng hangin at alon ng hampas nito sa mga bangka natin, ani Rhodel Gutierrez, chairman ng Brgy. Biaan.

Ang ibang bahay, inabot na rin ng mga alon kaya wala na ding suplay ng kuryente sa ilang bahagi ng Biaan.

Ayon sa municipal disaster risk reduction and management office (MDRRMO), ang malalakas na alon ay epekto pa rin ng bagyong Quiel.

“Yung hangin na dulot ng bagyo natin yung Quiel, nagti-trigger po iyon ng malalaking alon,” ani Alvin Binondo ng MDRRMO-Mariveles.

- Ulat ni Gracie Rutao, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.