Guro nakaligtas sa pamamaril sa Zamboanga del Norte

Dynah Diestro, ABS-CBN News

Posted at Nov 07 2019 10:32 PM

POLANCO, Zamboanga del Norte - Suwerteng nakaligtas ang isang 51 anyos na guro matapos barilin sa Barangay Poblacion North sa bayan ng Polanco, Zamboanga del Norte nitong Miyerkoles ng gabi.

Mag-isang nagmamaneho ng kaniyang motorsiklo ang gurong si Edelinda Empeynado pauwi sa nirerentahang bahay nang barilin sa likod ng hindi pa kilalang salarin.

Matapos mabaril ay patuloy pang nagpatakbo ng kaniyang motorsiklo ang biktima at nakahingi ng saklolo sa nadaanang kabahayan.

Kuwento ng residenteng si Celso Pacunla na isa sa mga tumulong sa biktima, isang putok ang kanyang narinig at maya-maya pa’y narining niya ang paghingi ng saklolo ng isang boses ng babae.

Hindi pa tukoy ng pulisya ang salarin. Tinitingnan nila ngayon ang posibilidad na may kagalit ang guro.

“Most likely may previous grudge base on revelations,” ani Police Major Hartzel Peter Bellino, OIC ng Polanco Police Station.

Ligtas na ang kalagayan ng guro na patuloy pang ginagamot sa isang ospital sa Dipolog City.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.