Empleyado ng brokerage firm huli sa pagsimot ng pera ng kompanya

ABS-CBN News

Posted at Nov 07 2019 05:41 PM | Updated as of Nov 07 2019 08:58 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Arestado ang empleyado ng isang stock brokerage firm na umano ay nakadispalko at sumimot sa pera ng kompanya, na aabot sa P750 milyon, sabi ngayong Huwebes ng pulisya.

Dahil sa empleyado, nagsara ang stock brokerage firm na R&L Investments Inc., na 50 taon na sa industriya.

Sa opisina ng brokerage firm sa Mandaluyong dinampot ng Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) ang suspek na si Marlo Moron, na nagtatrabaho sa kompanya bilang settlement clerk sa loob ng 16 na taon.

Nadiskubre ng kompanya ang modus ni Moron matapos umanong tumawag ang isang stock broker na hiniraman umano ng kompanya ng shares.

Nang mag-audit ang R&L, nadiskubre nilang daang milyong piso ang nadispalko ni Moron, ayon kay Lt. Col. Mary Ivy Salazar ng PNP-ACG.

Lumabas din sa imbestigasyon na inililipat ni Moron ang shares of stocks sa ibang tao at ipinapabenta niya.

Inamin ni Moron sa panayam ng ABS-CBN News na pinuhunan niya ang pera sa quarrying at small town lottery, pero ang malaking bahagi raw ng pera ay nalustay sa sugal.

Wala raw naipon o naitabi ang suspek sa P750 milyon.

Tiniyak naman ng Philippine Stock Exchange (PSE) na mababalik ang pera sa mga kliyente ng R&L.

Nagbabala naman ang PSE na maging mabusisi ang mga brokerage firm sa pag-audit.

Sinampahan si Moron ng qualified theft, at mga paglabag sa Cybercrime Prevention Act of 2012 at Access Devices Regulation Act of 1998. -- Ulat ni Maan Macapagal, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.