Demolisyon sa Boracay, nauwi sa tensiyon

Nony Basco, ABS-CBN News

Posted at Nov 07 2019 12:29 PM

Inupuan pa ng isa sa mga banyaga ang bahagi ng sementong gigibain ng demolition team sa Bulabog Beach sa Boracay Island.

Nagkagirian ang demolition team at mga may-ari ng gigibaing istruktura sa sa Bulabog Beach sa Boracay Island, Huwebes ng umaga.

Hinarang ng dalawang dayuhan na may-ari ng isang residential building at kite surfing school and demolition team ng lokal na pamahalaan ng Malay, Aklan.

Nauwi sa sigawan at girian ang insidente kung saan hinarap pa ng mga dayuhan ang trabahador na may hawak ng jackhammer.

Ginamitan naman ng hose ng isang dayuhang nasa ikatlong palapag ng kaniyang bahay ang mga kasapi ng demolition team. 

Ayon sa mga may-ari, hindi inirespeto ng lokal na pamahalaan ang umano’y “gentleman’s agreement” habang hindi pa nagsisimula ang nakatakdang hearing sa Nobyembre 11.

Paliwanag naman ng LGU, nag-expire na ang 20 days temporary restraining order ng korte kaya’t wala nang makapagpipigil pa sa kanila na ipatupad ang demolisyon.

Iginigiit ng Boracay Inter-Agency Task Force na lumabag sa 25+5 meter easement ang 10 istruktura na kinabibilangan ng mga residential at commercial building sa Bulabog Beach.

Sa kabila ng nangyaring girian, ipinatupad pa rin ng awtoridad ang maximum tolerance para walang masaktan.

Ilang beses ding natigil ang demolisyon dahil sa pagbuhos ng malakas na ulan sa lugar.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.