PatrolPH

Pulis na dawit sa 'hazing' sa mga bagito, inireklamo sa Napolcom

ABS-CBN News

Posted at Nov 07 2018 05:12 PM | Updated as of Dec 16 2019 12:23 PM

Watch more on iWantTFC

Sinampahan na ng reklamo sa National Police Commission (Napolcom) ang pulis-Cavite na nakuhanan ng video na namamalo ng mga baguhang pulis gamit ang baseball bat.

Isang police officer 1 (PO1) ang naghain ng reklamo laban kay Superintendent Alex Dimaculangan, na dawit sa umano ay panghe-hazing sa mga bagitong pulis sa Camp Francisco Ferma sa Tagaytay noong Setyembre.

Ayon kay Napolcom Vice Chairman Rogelio Casurao, pinasuri pa nila sa doktor ang nagreklamong PO1 at pinatotohanan daw ng mga nakitang pamumuo ng dugo ang sinasabing pananakit ni Dimaculangan.

"True to the testimony nitong complainant, nakita na talagang may mga hemotoma, may mga marks talaga," ani Casurao.

Wala na raw ibang inireklamo ang biktima kundi si Dimaculangan.

Ayon pa kay Casurao, nakausap na rin nila si Dimaculangan at ipinaliwanag daw nitong dinisiplina lang niya ang mga bata kaya isa-isa niyang pinapalo ang mga ito.

"We have internal policies on this, na ang discipline is really emphasized pero may hangganan ito. Hindi ito dapat magmalabis," ani Casurao.

Sinimulan na ng Napolcom ang imbestigasyon sa nangyari at pinag-aaralan na rin kung isasailalim sa preventive suspension si Dimaculangan, na ngayon ay nasa floating status.

Maaari rin daw ma-dismiss sa serbisyo si Dimaculangan kapag napatunayang nagkasala.

Posible rin daw humarap sa kasong kriminal si Dimaculangan kapag inireklamo siya ng mga biktima ng hazing.

-- Ulat ni Ron Gagalac, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.