PatrolPH

Hinaing ng transport groups: Fare matrix ng LTFRB 'nakakalito'

ABS-CBN News

Posted at Nov 07 2018 08:58 PM | Updated as of Dec 16 2019 12:25 PM

Watch more on iWantTFC

Nanawagan ang mga transport group na repasuhin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang bagong-labas na fare matrix dahil "nakakalito" ito sa mga pasahero at mga tsuper. 

Kada-kilometro kasi kuwentahan ng pamasahe at hindi base sa partikular na destinasyon, kaya maaari pa raw itong pag-awayan ng mga driver at pasahero.

Paliwanag ni Provincial Bus Operations Association president Alex Yague, nakasanayan na ng mga pasahero at konduktor na base sa lugar na paparahan ang singilan ng pasahe. 

"Kilometer-based ang matrix eh hindi naman alam ng mga pasahero kung anong kilometer ang bababaan nila. Sanay ang lahat na destination-based," ani Yague. 

Kuwestiyonable naman para kay Alliance of Concerned Transport Organizations president Efren De Luna ang silbi ng fare matrix sa jeep na nagkakahalaga ng P570, lalo na't bumagsak ang presyo nito mula sa unang-singil na P610. 

Buwelta ni LTFRB chairman Martin Delgra, pinagaan naman ang sistema ng pagkuha ng taripa. 

Pero ani De Luna, mawawalan pa rin ng aabot sa P350 kita ang mga tsuper para lang maglaan ng panahong ipila sa pagkuha ng fare matrix. 

Ayon kay LTFRB board member Aileen Lizada, pag-aaralan nila ang singilan nito. 

-- Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.