3 biktima ng 'salvage', natagpuan sa bangin sa Bukidnon

Joey Taguba Yecyec, ABS-CBN News

Posted at Nov 07 2018 04:27 AM

BUKIDNON - Natagpuan Martes ng gabi sa bangin ng Malitbog, Bukidnon ang 3 bangkay ng lalaki na pinaniniwalaang biktima ng summary killing.

Kinilala ang mga biktima na sina Don Reymar Andales, Vicente Biemen, at Clifford Abales na nagtamo ng mga tama ng baril sa ulo.

Ayon kay Senior Insp. Hubert Tirol, hepe ng Malitbog police, nadiskubre ng isang residente ang mga bangkay dahil nangangamoy na ito.

May isang sasakyan umanong huminto sa Barangay Santa Ines Lunes ng madaling-araw at may itinapon sa bangin.

Ayon naman sa SOCO, tama ng baril sa ulo ang ikinamatay ng mga biktima.

"Lahat ay medyo sa kaliwang bahagi ng ulo ang tama. Nasa decomposition state, advanced state na po. Masasabi natin nasa 2 to 3 days na po silang namatay o binaril," ani Dr. Christian Caballes.

Kuwento ng nanay ng isang biktima, dinala Linggo ng gabi ang kaniyang anak at 2 kasamahan sa Tagoloan police para imbestigahan matapos umanong masangkot sa pang-aagaw ng cellphone.

Sabi umano ng Tagoloan police sa kaniya na agad nilang pinalaya ang mga biktima matapos ang imbestigasyon.

Pero ayon sa ginang, hindi na niya nakita at nakausap ang anak mula noong dinala sa Tagoloan police.

Sinubukan ng ABS-CBN News na kunan ng pahayag ang Tagoloan police ngunit wala sa kaniyang opisina ang hepe.

Ayon naman kay Supt. Surki Sereñas, tagapagsalita ng Police Regional Office (PRO) 10, gagawa sila ng imbestigasyon sa insidente.

Hinikayat ni Sereñas ang pamilya ng mga biktima na maghain ng kaso at sinigurong walang magaganap na cover-up sa imbestigasyon.

Sa tala ng Malitbog police, ito na ang pangalawang beses na may itinapon na bangkay sa lugar ngayong taon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.