Perwisyong aberya sa MRT, matagal pang titiisin ng mga pasahero

ABS-CBN News

Posted at Nov 07 2017 09:43 PM

Mas mahabang pila ng mga pasahero at aberya sa tren ang bumungad sa unang araw ng pansamantalang paghawak ng Department of Transportation (DOTr) sa maintenance o pangangasiwa sa MRT-3.

Uminit ang ulo ng ilang pasaherong mahigit isang oras nang nakabilad at nakapila para makasakay sa MRT Quezon Avenue station Martes ng umaga.

"Isipin mo kalahating araw mababawas na naman sa akin ngayon ... half-day na [ako] kahapon, half-day na naman ngayon," ani pasaherong si Jover Torres.

"Dapat talaga dagdagan nila ang train, ayusin nila ang maintenance," reklamo naman ng pasaherong si Constantino Bautista.

Mas mahaba ang pila at oras ng hintayan ng tren sa MRT dahil 13 lang ang bumibiyaheng tren mula sa karaniwang 17 hanggang 19 na tren.

Sampu sa tren ay "under repair" o inaayos, apat ay sumasailalim sa inspeksyon, at apat ay "for testing."

Dumagdag pa sa mga hindi magagamit ang isang tren na nagkaroon ng problemang teknikal ngayong Martes, bandang alas-6 ng umaga.

Umaabot tuloy sa 17 minuto ang pagitan ng pagdating ng mga tren mula sa target na apat hanggang limang minuto.

Sinisisi ng DOTr ang mga suliranin sa kakulangan ng oras para sa preventive maintenance at kawalan ng spare parts. 

Ngunit ang kanilang ahensiya rin ang dapat tumugon sa mga ito ngayong sila ang kasalukuyang may hawak sa maintenance ng riles.

Pinutol kasi ng DOTr noong Lunes ang kontrata ng Busan Universal Railways Inc. (BURI), na dapat sana'y nagpapanatili sa kaayusan ng riles.

Inaasahan ng DOTr na sa loob ng anim na buwan ay magkakaroon na ng kapalit ang BURI upang mas gumaan ang biyahe ng mga pasahero.

-- Ulat ni Vivienne Gulla, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.