PatrolPH

P8-milyong ipon ng isang retirado sa Bataan, natangay ng budol-budol

ABS-CBN News

Posted at Nov 07 2017 10:35 PM

Mahigit P8 milyon ang natangay mula sa isang senior citizen at retiradong overseas Filipino worker (OFW) sa lungsod ng Balanga, Bataan matapos mabiktima umano ng budol-budol gang.

Galit na galit ang 61 anyos na biktimang si Leonardo Austria matapos tangayin ng budol-budol ang perang mahigit tatlong dekada niyang pinag-ipunan bilang OFW.

Kuwento ni Mang Leonardo, nakilala niya ang isang engineer De Guia at isang negosyanteng Hapon na interesadong bilhin ng P10 milyong ang bahay niya sa bayan ng Bagac, Bataan.

Nauwi ang usapan sa negosyong tuna export ng dalawa sa Japan.

Nagpahanap sila kay Austria ng produktong mainam para mapanatiling sariwa ang tuna.

Naisip ni Austria ang isang nagpakilalang Vince na importer umano ng canned goods at nakilala ng biktima ilang linggo pa lang ang nakalipas.

Na-engganyo naman si Austria nang magpabili ng produkto kay Vince sina De Guia dahil may makukuha raw si Austria na P1,000 komisyon sa bawat kahon ng produkto. 

Hindi inakala ni Austria na magkakasabwat ang tatlo.

Sa kuha pa ng CCTV, makikitang binubuhat ni Vince papasok ng bahay ni Austria ang limang kahon habang katulong pa ang kaniyang driver.

Sa text lang noon kausap ni Austria si De Guia.

Inabonohan muna ni Austria ang ibinayad sa mga produkto ni Vince.

Bukod sa P1 milyong cash na inabono, inutusan si Austria na magdeposito ng mahigit P4 milyon sa account ng isang Winifredo Angeles Adriano sa isang bangko sa Pala-pala, Dasmariñas, Cavite.

Hindi pa nakontento, muling pinagdeposito sa account ni Adriano si Austria ng P3 milyon para mai-deliver ang 250 kahon pa ng produkto.

Pangako kasi ni De Guia kay Austria, P12,500,000 ang idedeposito sa kaniyang account kasama na ang finance charge na P375,000 kapalit ng mahigit P10 milyong inabonohan na ni Austria.

Pero inabot na ng gabi, walang dumating na produkto at hindi na ma-contact sina Vince at De Guia.

Nang buksan ang mga kahon, mistulang harina ang laman nito.

Nanlumo si Austria nang mapagtanto niyang nabiktima sila ng budol-budol.

Dahil sa nangyari, hirap nang makatulog si Austria at ang kaniyang misis.

Kailangan pang uminom ng anti-depressant ni Austria.

Kaya umaapela siya sa pamunuan ng bangko na makipagtulungan para matukoy ang suspek at mapanagot siya sa batas.

Nais din ni Austria na makuha ang kuha sa suspek ng CCTV ng bangko at ang retrato ng nag-withdraw ng perang idineposito niya.

Nangako naman ang Cavite Provincial Police Office na makikipag-ugnayan sa bangko para agad na mahuli ang mga suspek.

-- Ulat ni Dominic Almelor, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.