'Most wanted' sa Malate, arestado

Lyza Aquino, ABS-CBN News

Posted at Nov 07 2017 06:34 AM

Arestado Lunes ng gabi ang isa sa mga binansagang "most wanted" sa Malate, Maynila, na dawit sa kasong pagpatay.

Kinilala ang suspek na si Melchor Castro, 22.

Ayon kay Chief Insp. Paul Sabulao ng Arellano Police Community Precinct, nahaharap si Castro sa kasong murder at physical injury.

Sangkot umano si Castro sa pagbaril ng isang Miguelito Tabulao noong Hunyo 2013.

Ang dalawa niyang kaibigan na sangkot din umano sa insidente ay nadakip ng awtoridad taong 2015 sa bisa ng search warrant. Nakatakas naman si Castro papuntang Bacolod.

Ayon kay Sabulao, nakatanggap sila kagabi ng impormasyon mula sa isang informant na nakabalik na ang suspek matapos ang dalawang taon na pagtatago.

Ikinasa kaagad ng pulisya ang operasyon sa F. Munoz St. kung saan tumitira ang suspek.

Depensa naman ni Castro na inaawat lamang niya ang mga kaibigan nang makitang nagsusuntukan sila sa kalsada.

Handa raw siyang humarap sa korte para linisin ang kanyang pangalan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.