Kaanak ng mga nasawi sa Hacienda Luisita massacre, may panawagan kay Duterte

Edward Quinto, ABS-CBN News

Posted at Nov 07 2017 09:49 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Sariwa pa sa alaala ni Erwin Laza ang pagkamatay ng kuya niyang si Jesus sa kasagsagan ng tinaguriang Hacienda Luisita massacre, 13 taon na ang nakakaraan.

"Nasaksihan ko po papaano sila pinagbabaril at pinagpapatay ng mga sundalo't kapulisan," kuwento ni Laza, na isa ring magsasaka. 

Ngayong Lunes, ginunita ang anibersaryo nito ng mga magsasaka sa nasabing hacienda sa lungsod ng Tarlac.

Pitong magsasaka ang namatay sa insidente kabilang si Jesus Laza, Jhune David, Jhaive Basilio, Juancho Sanchez, Jaime Pastidio, Adriano Caballero Jr. at Jessie Valdez.

Hanggang ngayon, nakikiisa sa mga protesta ang 62 anyos na si Raymundo Alkayde para sa mga yumaong kasamahan at para makamit ang karapatan sa lupa na pamana umano ng kanilang mga ninuno.

"Importanteng-importante sa amin talaga at mabawi namin ang lupang ito dahil simula sa mga ninuno namin hanggang ngayon, kami ang nagpapatuloy sa pakikibaka para makuha namin ang lupang ito," giit ni Alkayde.

Ani Renato Mendoza, presidente ng grupong Unidong Manggagawa sa Pang-Agrikultura, magpo-protesta sila kasabay mismo ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit.

Panawagan nila sa administrasyong Duterte, sana matupad ang ipinangakong tulong sa mga magsasaka.

Noong Pebrero, iniutos ng Department of Agrarian Reform na ipaloob sa Comprehensive Agrarian Reform Program ang 727 hektaryang lupain ng Hacienda Luisita.

Pero hanggang ngayon, wala pa umano sa isang hektarya ang natatamnan ng mga magsasaka.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.