Iwas-aksaya sa kanin, isinusulong vs kulang na suplay ng bigas

ABS-CBN News

Posted at Nov 07 2017 12:32 AM

Hinihikayat ng Department of Agriculture (DA) ang publiko na maging masinop sa pagkain ng kanin dahil hindi sapat ang produksiyon o supply ng bigas sa bansa. 

Sa datos naman ng PhilRice, nasa 144 kilograms ng bigas ang karaniwang nauubos ng bawat Pilipino kada taon.

Pero ayon sa DA, nasa 95% pa lang ang "rice sufficiency" sa Pilipinas.

Ibig sabihin, kailangan pang mag-angkat mula sa ibang bansa para mapakain ang lahat ng Pilipino.

Dagdag ni DA Assistant Secretary Ariel Cayanan, malaking salik ang pabago-bagong panahon at malalakas na bagyo sa pagiging rice insufficient ng bansa.

"Alam naman po natin na ang climate change, ang pabagong-pabagong climate and weather condition ay malaki po talagang hamon," ani Cayanan.

Kaya hamon ng DA at PhilRice, maging responsable sa pagkonsumo ng bigas.

Huwag magsayang ng kanin o kumuha lang ng sapat at kayang ubusin.

"Ayon sa ating pag-aaral, ang bawat Pilipino, on average, ay nag-aaksaya ng tatlong kutsarang kanin sa isang araw," ani Dr. Flordeliza Borday ng PhilRice.

Bilang bahagi ng pagdiriwang sa Rice Awareness Month ngayong Nobyembre, inilunsad ng DA at Phil Rice ang "Rice-ponsible Plate Challenge".

Sa pamamagitan ng social media, puwedeng mag-share ang mga Pilipino ng retrato ng kanilang healthy na rice meal.

Mas maganda pa umano kung brown rice ang kasama.

Bukod kasi sa mataas na fiber na maganda sa pagtunaw ng pagkain, siksik ito sa bitamina.

Sa pag-post ng retrato sa Facebook, isulat ang #RICEponsiblePlateChallenge at lagyan ng maikling caption na maglalarawan sa kinakain.

Sa Disyembre ihahayag ang mga magsisipagwagi na tatanggap ng P5,000, P7,500 at P10,000.
    
Higit pa sa premyo, nais ng DA at PhilRice na mamulat ang mga Pilipino sa mga benepisyong dulot sa kalusugan ng pagkain nang sapat at masustansiya.

-- Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.