Isa patay, isa sugatan matapos masagasaan ng trailer truck sa QC

Vivienne Gulla, ABS-CBN News

Posted at Nov 07 2017 08:33 AM

Patay ang isang babae habang sugatan naman ang kinakasama nito matapos masagasaan ng trailer truck ang kanilang sinasakyang motorsiklo sa Barangay Talipapa, Quezon City Lunes ng gabi.

Idineklarang dead on arrival sa ospital si Maribeth Barde habang ang kanyang live-in-partner na si Cris Bernal ay kasalukuyang inoobserbahan.

Ayon kay PO3 Andy Sotto ng Quezon City Police District Traffic Sector 6, sumalpok ang motorsiklong sinasakyan ng mga biktima nang bumukas ang pintuan ng isang AUV.

Tumalsik ang mga biktima at nasagasaan ng dumaraang trailer truck.

Papunta sanang Balintawak ang mga biktima nang mangyari ang aksidente alas-8:20 ng gabi habang binabaybay ang Quirino Highway.

Parehong nakakulong ang driver ng AUV na si Raymond Sevilla at driver ng trailer truck na si Jaime Gutang.

Nahaharap sila sa kasong reckless imprudence resulting in homicide, physical injuries, at damage to property.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.