Car sales agent, arestado matapos tangayin umano ang pera ng mga kliyente

Vivienne Gulla, ABS-CBN News

Posted at Nov 07 2017 06:31 AM

Arestado ang isang car sales agent matapos umanong tangayin ang pera mula sa mga kliyente.

Kinilala ang suspek na si John Dexter Julve.

Ayon sa isa sa mga biktima, inirekomenda ng isang kaibigan si Julve. Tiniyak umano ng suspek na ibibigay ang binibiling sasakyan isang linggo lang matapos maibigay ang down payment.

Nagbigay ang biktima ng P80,000 sa mismong tanggapan ng car sales agent sa Cainta, Rizal matapos makatanggap ng text message na aprubado ang kanyang car loan.

Pero lumipas ang mahigit sa isang buwan, wala pa rin ang ipinangakong sasakyan.

Nang puntahan ng biktima ang opisina, napag-alaman niya na kinuha ni Julve ang down payment mula sa kahera sa pamamagitan ng pagpapakita ng pekeng text message ng consent nito.

Si Julve naman ay hindi na pumapasok sa opisina.

Ganito rin ang naging karanasan ng isa pang biktima na nagbigay din ng down payment sa halagang P78,000.

Nang muling magparamdam si Julve, nanghingi siya ng karagdagang P20,000 para iupgrade ang sasakyang irerelease.

Nakipagkita si Julve sa kliyente sa Fairview, Quezon City kung saan siya dinampot ng mga operatiba ng Special Operations Unit ng Quezon City Police District.

Mahaharap si Julve sa kasong robbery/extortion. Pito pang biktima ni Julve ang inaasahang dudulog sa pulisya at magsasampa ng kasong large scale estafa.

Ayon sa pulisya, kung susumahin, ang siyam na biktima ay natangayan ng humigit-kumulang P500,000.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.