Patay ang isang sundalo habang dalawa ang nasugatan sa pag-atake ng armadong grupo sa bayan ng Datu Hoffer Ampatuan sa Maguindanao del Sur, ayon sa militar.
Batay sa ulat ng 601st Infantry Brigade (IB), nagbabantay ang mga sundalo ng 40th Infantry Batallion at mga boluntaryong sibilyan sa pagsasaayos ng nasirang tulay sa Barangay Labulabu II nang biglang sumalakay ang grupo noong gabi ng Biyernes.
Kinilala ng militar ang nasawi bilang si Private First Class Jomar Saladar habang sugatan naman sina Sgt. Allan Rey Estanda at Private Carl Araña.
Dinala umano sa ospital ang dalawang sugatang sundalo.
Umabot nang higit isang oras ang palitan ng putok bago umatras ang grupo, na sinasabing mga miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters, ani Maj. Saber Balogan ng 601st IB.
Nasira ang nasabing tulay noong kasagsagan ng Bagyong Paeng.
Nagsagawa na ng pursuit operations ang militar sa Datu Hoffer Ampatuan at mga karatig-bayan kaugnay sa insidente.
— Ulat ni Hernel Tocmo
RELATED VIDEO
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.