PatrolPH

Jeep nahulog sa bangin sa Isabela; 1 patay

ABS-CBN News

Posted at Nov 06 2021 01:01 AM

Larawan mula San Mariano Police
Larawan mula San Mariano Police

Isang lalaki ang nasawi matapos mahulog ang isang pampasaherong jeep sa bangin sa San Mariano, Isabela nitong Huwebes ng gabi.

Sa imbestigasyon ng San Mariano Police, pababa sa kalsada ng Barangay San Jose ang jeep nang makasalubong ang isang motorsiklo. 

Nasilaw umano ang driver ng jeep sa malakas na LED ng motorsiklo kung kaya hindi na natantiya ang kalsada. 

“Ang akala niya sa daan may shoulder, ‘yon pala bangin na,” ani Police Maj. Edgar Manuel Jr., hepe ng San Mariano MPS.

Nahulog ang jeep sa bangin na may 15 metro ang lalim bago bumaliktad. 

Ayon pa sa pulis, lulan ng jeep ang 12 indibidwal na galing sa pagpapabakuna kontra COVID-19. 

Nasawi ang pasaherong si Bernard Macabiog, 24, matapos madaganan ng bumaliktad ang jeep. 

Nagtamo naman ng minor injuries ang iba pang pasahero pati na ang driver ng jeep.

Nasa kustodiya ng San Mariano Police ang driver ng jeep na posibleng maharap sa reklamong reckless imprudence resulting in homicide at physical injuries.

— Ulat ni Harris Julio

KAUGNAY NA ULAT

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.