PANOORIN: 'Siony' naramdaman sa Batanes

ABS-CBN News

Posted at Nov 06 2020 08:10 PM

Watch more in iWantTFC  Naramdaman ang ulan at malakas na hangin sa Brgy. Kayhuvokan, Basco, Batanes dahil sa bagyong Siony. Video Courtesy: Opal E. Bala

MAYNILA - Naramdaman sa ilang bahagi ng Batanes ang hagupit ng bagyong Siony na nagdulot ng malakas na ulan at hangin sa probinsiya.

Bandang alas-2 ng madaling araw ng Biyernes nagsimulang maramdaman sa Basco, Batanes ang malakas na ulan na dala ng bagyo. May kasama rin itong pabugso-bugso na ihip ng hangin. 

Naglalakihang mga alon din ang humampas sa Basco port. Naitabi na rin ng mga may-ari ang kanilang bangka sa matataas na lugar bago pa dumating ang bagyo. 

Nagtulong-tulong din ang mga Ivatan sa paghahanda kontra sa bagyo. 

Nagtulungan sila sa pagtatali ng bubong at naglagay din sila ng kahoy na proteksiyon sa mga bintana ng kanilang mga bahay. 

"Every time naman po na may paparating na typhoon, kaugalian po talaga ng mga Ivatan na talagang paghandaan sa pamamaraan ng isang bayanihan," ani Jacklord Labrador, chairman ng Basco Boat Association. 

Naranasan din ang masungit na panahon sa bayan ng Itbayat kung saan nag-landfall ito sa bahagi ng Misanga. 

Sa mga kuha ni Bayan Patroller Franz Dante Aguto, makikita ang malalakas na paghangin at malaking alon sa Ivana, Batanes. 

Kumalma naman pagdating ng hapon ang lagay ng panahon. 

Inaalam pa ngayon ng lokal na pamahalaan ng Batanes kung may mga pinsala ang bagyo sa lugar. 

Pero ayon sa governor na si Marilou Cayco, wala namang matinding napuruhan maliban sa nasirang bintana ng quarantine facility. 

"Nabasag po ang bintana sa lakas ng hangin. Kaya naman po inilipat na po namin 'yung mga LSI (locally-stranded individual) na naka-quarantine doon," ani Cayco. 

Namahagi rin ng relief goods sa mga residente ang lokal na pamahalaan bago ang pananalasa ng bagyo. 

Pero problema ngayon ang suplay ng bigas dahil hindi nakapaglayag ang barko na nagdadala ng NFA rice sa Batanes. 

Tiniyak ng National Disaster Risk Reduction and Management Council na may natitira rin silang pondo para sa typhoon response.

 -- Ulat ni Harris Julio

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.