Paglalarawan ng turista sa Boracay habang pandemya: 'Tahimik, nakakapanibago'

ABS-CBN News

Posted at Nov 06 2020 04:32 PM

Isla ng Boracay. Nony Basco, ABS-CBN News/File 

MAYNILA - "Tahimik" at "nakakapanibago" ang paglalarawan ng isang turista ng Boracay mula Quezon City na dumayo sa isla habang pandemya. 

Ang taga-Quezon City na si Paul Ebbay, sinabing malinis at maaliwalas ang isla sa ngayon, na dati rati ay puno ng ingay sa mga turista at mga bars. 

"Pagdating ko dito naninibago ako walang tao, napakalinis maaliwalas ang Boracay ngayon," ani Ebbay. 

Watch more in iWantTFC

Isa si Ebbay sa mga kakaunting turista sa Boracay. 

Aminado siya na dahil sa dagdag na requirements gaya ng RT-PCR Test, umaayaw ang ilan pero para sa kaniya, mas mainam na ito para sa kaligtasan ng lahat. 

"Bago pumunta ang turista may COVID test, swab test, mga health protocols dito nasusunod," ani Ebbay. 

Sa tala ng Malay Municipal Tourism Office, may 2,337 turista sa isla mula Oktubre 1 hanggang 29. 

Mas mababa ito kaysa sa 141,000 turista na naitala noong Oktubre 2019. 

Dahilan ito para maapektuhan ang trabaho at negosyo sa lugar. Kung dati ay puro ilaw at firedance ang isla kapag gabi, ngayon, madilim na ito.

“Yung gabi nakakalungkot, sarado establishments yung restaurant na kinakainan ko dati sarado, tapos maraming nag-ooffer ng services gaya ng tours,” ani Ebbay. 

Umaasa naman ang mga tao sa isla na babalik ang sigla ng Boracay, na milyon-milyong piso ang kontribusyon sa ekonomiya ng bansa. 

— Ulat ni Jekki Pascual, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.