Pagkain, relief packs hatid sa mga nasalanta ng Rolly sa Virac, Catanduanes

ABS-CBN News

Posted at Nov 06 2020 08:15 PM

Watch more in iWantTFC

Sa Sto. Domingo Elementary School sa Virac, Catanduanes inabutan ng bagyong Rolly si Cherry Magnaye kasama ang kaniyang mga anak at apo. 

Kakapakumpuni lang ng kisame at yero ng paaralan pero hindi ito nakaligtas sa hagupit ng bagyo. 

"Mukha lang ang naka-cover sa akin, ang buo kong katawan binabagsakan ng mga kahoy," ani Magnaye. 

Himala kung ituring ni Magnaye na nakaligtas siya. Pero dahil wala na rin silang babalikang bahay, sa paaralan muna sila titira. 

Ang mag-inang Josefina at Jobern Devaras naman ng Barangay Palta, balde at bandehado ang gamit habang nagtatago sa isang sulok ng kanilang bahay matapos liparin ng hangin ang malaking bahagi nito. 

"Wasak. Haligi lang ang natira. Lahat ng yero nilipad," ani Devaras. 

Nagsiksikan naman sa pinagtagpi-tagping kahoy at yero ang 8 anak ni Michael Tanael sa barangay Rawis. Pinilit niyang makapagtayo muli ng kahit maliit lang na matutulugan matapos ma-wash out ng bagyo ang bahay nila na katapat lang ng dagat. 

Ang kanilang kapitan na si Salvador Talan, na-wash out ang bahay ng pamilya sa ibang bayan pero kailangang unahin niya ang mga barangay na lugmok sa dinanas sa bagyo. 

Sa pamamagitan ng dalang mobile kitchen ng ABS-CBN Sagip Kapamilya, nabigyan ng almusal ang mga taga-Barangay Rawis at nabigyan naman ng relief goods ang nasa 600 pamilya sa Virac. 

Natitirang matibay na nakatayo ang tatag ng loob ng mga residente na makabangon. 

"Likas na naman, pag nagiba, balik, ayos, ganu'n at ganu'n ang laban. Nakakapagod, pero nasanay din," ani Tanael. 

Bukod sa materyales sa pagpapatayo ng bahay, nangangailangan ng pagkain, tubig-inumin, damit, at mga gamot ang mga residente. 

Bukas ang ABS-CBN Foundation sa pagtanggap ng mga donasyon, sa pamamagitan ng sumusunod na account. 

--- Ulat ni Bernadette Sembrano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.