PatrolPH

Paghahanap ng masisilungan, hamon sa mga taga-Tiwi dahil sa Rolly

ABS-CBN News

Posted at Nov 06 2020 08:35 PM

Paghahanap ng masisilungan, hamon sa mga taga-Tiwi dahil sa Rolly 1
Coastal barangay Bolo sa Tiwi, Albay. Kung noon ay nasa 60 bahay ang nasa barangay, tatlo na lang ang natira matapos ang pananalasa ni super typhoon Rolly. Jeff Canoy, ABS-CBN News

TIWI, Albay - Walang bubong, walang dingding, at wala ring sahig ang bahay ni Nanette Buenaobra sa bayan na ito pero tahanan pa rin ang turing niya rito. 

Isa ang bahay ni Buenaobra sa 2,000 bahay na nawasak dahil sa super typhoon Rolly na nanalasa sa Bicol Region nitong Nobyembre 1. Nawasak ang kanilang bahay sa tabing-dagat matapos silang abutin ng storm surge. 

"Mahirap kasi sa kalagayan namin walang natitirahan. Pawid-pawid lang natutuluyan namin," ani Buenaobra. 

Watch more News on iWantTFC

Palaisipan naman para sa isa pang residenteng si Helen Blanco ang masisilungan kapag bumagyo ulit at umulan nang malakas. Natuklap din ang bubong ng evacuation center nila sa lugar dahil sa bagyo. 

"Naiiyak talaga kami mahirap kalagayan namin sa ngayon, magkaroon kami ng pambili ng bubong, dingding para may masilungan kami," ani Blanco. 

Iniyakan din ni Melba Cardano, na nakatira malapit sa baybay, ang pagkawala ng ipinundar na bahay. 

Ayon kay Tiwi Mayor Jaime Villanueva, prayoridad ngayon ng mga nasalanta ang magkaroon ng matibay na masisilungan. 

Dahil kapag bumagyo, walang panangga ang mga coastal barangay--sira-sira kasi ang mga evacuation center at nawasak ang mga dike. 

"Kailangan ng immediate action 'yung mga nabuwal na dike dahil hindi puwedeng patagalin. Moment na dumating ulit ang malakas na hangin at ulan, papasukin ulit sila," ani Villanueva. 

Sa ngayon, kinakapos pa ang pondo ng lokal na pamahalaan at umaasa sila ng mga ayuda gaya ng mga inaabot ng mga grupo tulad ng Save the Children na namahagi sa 700 pamilya ng mga plastic sheet na masisilungan ng mga nasalanta ng bagyo. 

Bukod pa sa nasa 2,000 bahay ang nasira, buwan din ang aabutin bago maibalik ang kuryente sa bayan. 

Wasak din ang mga pipeline kaya walang suplay ng tubig sa 7 barangay. 

-- Ulat ni Jeff Canoy, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.