Nigerian, nahulihan ng P6.5-M shabu sa Las Piñas

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Nov 06 2020 04:45 AM | Updated as of Nov 06 2020 06:56 AM

MAYNILA - Balik-kulungan ang isang Nigerian matapos mahulihan ng nasa P6.5 milyong halaga ng shabu sa buy-bust operation ng Philippine National Police-Drug Enforcement Group (PNP-DEG) sa Las Piñas City Huwebes ng gabi.

Kinilala ang suspek na si Kingsley Iwumune, 46 anyos at nakatira rin sa Las Piñas. 

Sa salaysay ng pulis, nakipagkita ang suspek sa tauhan nila sa Gatchalian Avenue at nag-alok ng kalahating kilo ng shabu. 

Nabangga pa ang kotseng minamaneho ni Iwumune sa sasakyan ng pulis dahil sa habulan nang magtangka siyang tumakas. 

Narekober sa kaniya ang 2 plastic pack na may tinatayang 1 kilo ng shabu. 

Ayon kay Police Lt. Col. Enrico Rigor, hepe ng PNP-DEG Legal and Investigation Division, wala pang isang linggo nilang nabantayan ang suspek, na itinuturing nilang miyembro ng isang Nigerian drug syndicate. 

Pero napag-alaman nilang mahigit 3 taon na siyang naninirahan sa Pilipinas. 

Sabi ni Police Maj. Mark Julio Abong ng parehong unit, dati nang nakulong si Iwumune dahil sa droga sa Caloocan at nakalaya noong 2018. 

Binabagsakan umano niya ng droga ang mga tulak ng shabu sa Las Piñas at southern Luzon. 

Iniimbestigahan naman ang pinagkukunan ni Iwumune ng droga. 

Watch more in iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.