Taxi driver, nagnakaw ng damit sa nakaparadang van sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Nov 06 2019 04:57 AM | Updated as of Nov 06 2019 07:47 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA—Arestado ang isang taxi driver matapos magnakaw ng mga branded na damit sa loob ng nakaparadang van sa Sampaloc, Maynila.

Nahuli ng mga pulis ang 60 anyos na suspek sa garahe ng taxi sa Caloocan nitong Martes. Narekober sa kaniya ang nasa P80,000 halaga ng mga branded na damit.

Sa kuha ng closed-circuit television (CCTV) camera, nakaparada ang van sa Escoda St., Sampaloc, Maynila alas-8 Lunes ng umaga.

Pagmamay-ari ang van ng isang negosyante na nagsu-supply ng mga branded na damit sa isang shopping mall.

Dumaan ang taxi, pero imbes na dumiresto ay pumarada ito sa likod ng van.

Bumaba ang taxi driver at lumapit sa van. Tinangay nito ang mga damit at inilagay sa trunk ng kaniyang sasakyan.

Naaktuhan ng biktima ang taxi driver kaya ito tumakas. Naplakahan ng biktima ang taxi na dahilan sa pagkaaresto ng suspek.

"Humihingi lang po ako ng pasensiya," pahayag ng suspek.

Kakasuhan ng theft ang taxi driver. Paalala rin ng pulisya, siguruhing naka-lock ang mga sasakyan lalo na kung may laman itong maaaring pagkainteresan ng mga kawatan.—Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.