Supply ng baboy sapat para sa Pasko: DA

ABS-CBN News

Posted at Nov 06 2019 05:40 PM | Updated as of Nov 06 2019 09:19 PM

Watch more in iWantTFC

Mga kaso ng ASF, naitala sa Caloocan, Malabon

(UPDATE) Tiniyak ngayong Miyerkoles ng opisyal mula Department of Agriculture (DA) na sapat ang supply ng baboy para sa Pasko sa kabila ng pagkakaroon ng African swine fever (ASF) sa ilang lugar sa Luzon.

Hindi umano kakapusin ang supply ng baboy sa kabila ng pagpatay sa 70,000 baboy mula noong Agosto para maiwasan ang pagkalat ng ASF.

"It (ASF) can be managed and we're managing it. We're trying to control it and then of course, 'yong eradication, it will come later," ani Reildrin Morales mula sa ASF Crisis Management Team ng DA.

Mula Agosto, tinatayang nasa halos P3 bilyon ang nawala sa kita ng hog raisers sa Luzon dahil sa mababang demand sa karneng baboy.

Samantala, sa isinumiteng report sa World Organisation for Animal Health (OIE), lumabas na nagkaroon rin ng kaso ng ASF sa Malabon at Caloocan.

Sa Barangay Baritan sa Malabon, 2 kaso ng ASF ang naitala galing sa 2 backyard hog raisers.

Pinatay na ang mga apektadong baboy sa Malabon para hindi na kumalat ang sakit.

Sa Deparo, Caloocan, natuklasang 12 backyard hog raisers ang apektado ng ASF noong Oktubre 7.

Higit 100 baboy na rin ang pinatay sa Caloocan para maiwasan ang pagkalat ng ASF.

Muli namang iginiit ng DA na kontrolado na nila ang pagkalat ng ASF sa bansa.

Sa parehong ulat sa OIE, lumabas na may 24 na kaso ng outbreak ng ASF sa bansa, karamihan ay sa Bulacan at Pampanga.

Sa Pampanga, 9 sa 24 na munisipalidad ang may kaso ng ASF habang 13 munisipalidad naman ang apektado sa Bulacan.

-- Ulat ni Jeck Batallones, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.