Sitio sa Digos City, idineklarang 'no habitation zone'

Andoreena Causon, ABS-CBN News

Posted at Nov 06 2019 11:46 PM

Idineklarang "no habitation zone" ang Sitio Bandera sa Barangay Balabag, Digos City dahil sa pinsalang dala ng magkakasunod na lindol.

Mistulang ghost town ang Sitio Bandera matapos ang pagpapalikas sa lahat ng mga residente dahil sa peligro ng landslide.

Hindi na maaaring tirhan ang mga bahay na napinsala ng lindol.

Natibag ang mga dingding, natanggal ang bubong, at nasira ang mga poste ng bahay dahil sa tatlong malakas na pagyanig noong Oktubre.

Idineklara ng Phivolcs na "no habitation zone" na ang lugar, kaya problema ngayon ng mga residente ang kanilang matitirhan.

"Mangayo mi'g kuan sa gobyerno, relocation lang sa unta kung asa mi nila ibutang," ani Evangeline Ypil, isa sa mga apektadong residente.

(Hihingi kami sa gobyerno ng relocation site.)

Tiniyak naman ng lokal na pamahalaan na mabibigyan ng relokasyon ang mga residente na nasiraan ng bahay.

"Pasalamaton kaayo mi sa Phivolcs kay ilahang mga datus among ma consider atoang pagahimuong rehabilitation plan labi na gyud sa atoang severely affected areas," ani Atty. Johari Baña, vice mayor ng Digos City.

(Nagpapasalamat kami sa Phivolcs. Gagamitin namin ang kanilang datos na basehan sa aming relocation plan.)

Sa evacuation center sa sentro ng Barangay Balabag muna pansamantalang nanatili ang mahigit 70 pamilyang nawalan ng tahanan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.