Sekyu patay nang paghahampasin ng tubo, dos-por-dos sa Davao City

ABS-CBN News

Posted at Nov 06 2019 04:06 PM

DAVAO CITY - Patay ang isang security guard matapos hambalusin ng dos-por-dos at tubo sa harap ng binabantayang gusali sa lungsod na ito, Miyerkoles nang umaga. 

Kinilala ang biktima na si Romy Delos Santos, 42, kasapi ng First Trigger Security Agency na nagbabantay sa isang ginagawang gusali. 

Bagong-salang lang ang biktima sa gusali matapos palitan ang isang guwardiya noong nakaraang linggo. 

Lumalabas sa imbestigasyon na marami ang humampas ng mga tubo at kahoy sa biktima. 

Posibleng kilala rin ng biktima ang pumatay sa kanya, ayon sa Sta. Ana Police. 

Naiwan sa crime scene ang mga tubo at kahoy na pinaniniwalaang ginamit sa paghampas sa biktima. 

Iniimbestigahan din kung may kinalaman ang mga trabahador sa krimen dahil napag-alaman na hindi sumipot sa trabaho ang ilan sa kanila noong araw ng krimen. 

-- Ulat ni Claire Cornelio, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.