'Para matigil ang patayan': Robredo tinanggap ang pagkakatalaga sa anti-drugs body

ABS-CBN News

Posted at Nov 06 2019 01:44 PM | Updated as of Nov 06 2019 10:04 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA (UPDATE) — Tinanggap ngayong Miyerkoles ni Vice President Leni Robredo ang pagkakatalaga sa kaniya bilang co-chairperson ng isang komiteng binubuo ng iba-ibang ahensiya para labanan ang ilegal na droga.

Sa isang press conference, sinabi ni Robredo na tinanggap niya ang pagiging co-chair ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD) para matigil ang pagpatay sa mga inosente at mapanagot ang mga dapat managot.

"Kung ito ang pagkakataon para matigil ang patayan ng mga inosente at mapanagot ang mga dapat managot, papasanin ko ito. Kaya tinatanggap ko ang trabaho na binibigay sa akin ng Pangulo," aniya.

Pormal na itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte si Robredo sa posisyon sa pamamagitan ng isang sulat para sa bise presidente noong Oktubre 31.

Ayon kay Robredo, papanagutin niya ang mga abusadong opisyal tulad ng "ninja cops" o mga pulis na nagre-recycle ng mga nakumpiskang droga, at hahabulin ang malalaking drug lords.

Iginiit din ni Robredo na handa niyang magtiis sakaling hindi siya sundin ng mga ahensiya sa ilalim ng ICAD at gawin ng mga taga-ICAD ang lahat para pumalya siya sa kampanya kontra droga ng administrasyon.

Sinabi rin ni Robredo na handa siyang makipagtulungan sa pangulo.

"Dalawa't kalahating taon na lang ang naiiwan sa inyong administrasyon. Hindi pa naman huli ang lahat, puwede pa rin nating pagtulungan ito," aniya.

ICAD AGENCIES OK SA PAGTANGGAP NI LENI SA POSISYON

Positibo naman ang naging pagtanggap ng mga ahensiya sa ilalim ng ICAD sa pagkakatalaga kay Robredo bilang kanilang co-chairperson.

Ayon kay ICAD Chairman Aaron Aquino, ikinatuwa ng mga miyembro ng ICAD nang inanunsiyo niya sa kanilang pulong nitong Miyerkoles na tinanggap ni Robredo ang posisyon.

"The members of ICAD are happy and we expect that she will make a call within the week," ani Aquino, na pinuno rin ng Philippine Drug Enforcement Agency.

Watch more in iWant or TFC.tv

"Hopefully we can brief her on the accomplishments that were made by ICAD for the past years," dagdag ni Aquino.

Susuportahan naman umano ng Philippine National Police (PNP) at Dangerous Drugs Board (DDB) si Robredo.

Ayon kay PNP Spokesperson Bernard Banac, welcome sa kanila ang pagtanggap ni Robredo sa trabaho.

Bukas naman umano si DDB Chairman Catalino Cuy sa mga magiging suhestiyon ni Robredo kaugnay ng kampanya kontra ilegal na droga.

Binati naman ng Palasyo si Robredo sa kaniyang pagbabalik sa Gabinete dahil sa pagtanggap sa posisyon.

Puwede nang sumama ang pangalawang pangulo sa Cabinet meeting ngayong Miyerkoles, ayon kay Panelo, upang mapag-usapan ang kaniyang papel sa ICAD.

Tiniyak ni Panelo na suportado ng buong Gabinete si Robredo.

Natatakot naman si Caloocan 2nd District Rep. Edgar Erice para kay Robredo.

Dehado si Robredo pagdating sa karanasan sa pagpapatupad ng mga batas kontra ilegal na droga, ayon kay Erice.

Labis namang ikinatuwa ni Sen. Ronald "Bato" dela Rosa na tutulong na si Robredo sa giyera kontra droga.

"I'm very optimistic itong pagtanggap niya sana 'yong kaniyang nalalaman na mga solusyon ibabahagi na niya ngayon dito sa ating war on drugs para magwagi tayo," sabi ni Dela Rosa, dating hepe ng PNP.

Pero pinaalalahanan din ni Dela Rosa si Robredo na lumaban.

"Hindi ka puwedeng pa-cute-cute dito. Hindi ito beauty contest. Giyera ito," aniya.

Tiniyak din ni Sen. Christopher "Bong" Go na susuportahan niya si Robredo.

"We want you to succeed. Kung kailangan nating patayin 'yong mga drug lord, tutulungan ka namin. Basta i-save natin 'yong mga inosente," ani Go.

Watch more in iWant or TFC.tv

'ROBREDO MAGIGING MATAGUMPAY'

Tiwala naman si Senate Minority Leader Franklin Drilon na magtatagumpay si Robredo, na kaniyang kapartido.

"I call on the Filipino people and government instrumentalities involved in the campaign against illegal drugs to rally behind the Vice President. Her success is the success of our nation," ani Drilon.

Sinabi rin nina Sen. Vicente "Tito" Sotto III at Sen. Panfilo Lacson na handa silang magbigay ng tulong kay Robredo.

Noong Martes, pinuna ng tagapagsalita ni Robredo, ang abogadong si Barry Gutierrez, ang inalok na posisyon kay Robredo.

Kung pagbabasehan daw ang Executive Order 15, ang utos ng Malacañang na bumuo sa ICAD, "non-existent" o wala ang posisyong inalok kay Robredo, ani Gutierrez.

Pero sinabi ng Palasyo na "sincere" o taos-puso ang pagkakatalaga kay Robredo at maaari raw niya itong magamit sakaling gustuhing maging pangulo.

Magugunitang sinabi ni Duterte kamakailan na isusuko niya ang kaniyang law enforcement powers kay Robredo para sugpuin nito ang problema sa droga ng bansa.

Tila napikon ang Pangulo sa kritisismo ng bise presidente na kumukuwestiyon sa pagiging epektibo ng kampanya kontra droga ng administrasyon.

Noong nakaraang buwan, nanawagan si Robredo kay Duterte na payagan nitong imbestigahan ng United Nations ang giyera kontra droga. -- May ulat nina Adrian Ayalin, Sherrie Ann Torres, at Angel Movido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.