Mga residente ng gumuhong Ecoland Residences sa Davao, nanawagan ng tulong

Claire Cornelio, ABS-CBN News

Posted at Nov 06 2019 09:06 PM

Dismayado ang mga may-ari ng units sa Ecoland 4000 Residences, dahil hindi pa sila hinarap ng kanilang management matapos mawasak ang kanilang mga tirahan.

DAVAO CITY—Dismayado ang mga may-ari ng units ng Ecoland 4000 Residences sa lungsod na ito, dahil mag-iisang linggo na mula nang mawasak ang condominium ay hindi pa sila hinarap ng management ng kanilang mga tirahan.

Matapos ang sunod-sunod na lindol nitong Oktubre hindi na pinahihintulutan ang mga nanirahan sa condo na pumasok dahil sa panganib na naka-amba.

Bukod sa trauma at pag-alala, nasaktan ang mga unit owner dahil pinabayaan umano sila ng DMC Urban Property Developers Inc., ang management ng nasabing residences.

Ayon kay Rebecca de Leon, isa sa mga may-ari, di nila alam ang gagawin at walang-wala na silang magagamit dahil nasa loob lahat ng condo ang kanilang ari-arian.

"Ang aming property management officer, wala talagang information so parang hanging talaga kami. Kawawa talaga kami. Wala kaming baon na gamit at saka nadi-displace kami. Kung saan-saan kami nakitira sa mga kaibigan," ani De Leon.

Nais lang sana nilang mapadali ang proseso kung paano nila makukuha ang kanilang mga gamit sa loob para maisalba nila. Paniwala kasi nila na tuluyang guguho ang gusali kung sakaling may malakas na namang lindol.

Sumulat na si De Leon sa DMC-UPDI pero di umano siya kumbinsido sa sagot ng management.

"Nagsagot sila sa akin that they are still negotiating the city and the engineers the policemen. Ang tanong diyan, kailan? We need it, may mga gamit diyan na pwede namin i-save," ani De Leon.

Hindi pa na-turnover umano sa mga unit owner ang gusali. Hindi kasi nila tinanggap dahil may mga nakita pa silang depekto sa gusali taong 2009 pa.

"Nakita ng lolo ko na may cracks sa ceiling all over the place, even in our rooms. Kung saan kami natulog, saan kami nagluluto, saan kami nanood ng TV, lahat doon may cracks," ani Ted Khristian Fantonial, isang unit owner.

Nananawagan naman ang Davao City Council sa Housing and Land Use Regulatory Board na tulungan ang mga unit owners.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.