Mga Pinoy na mag-a-abroad dagsa sa BOQ para sa pruweba ng bakuna

ABS-CBN News

Posted at Nov 06 2019 05:02 PM | Updated as of Nov 06 2019 08:05 PM

Maging ang negosyanteng si Joel Cruz na pupunta ng Holy Land kasama ang pamilya at staff, kumuha na rin ng sertipikasyon ng bakuna kahit hindi ito rekisito sa naturang bansa. Screengrab

MAYNILA — Sa Biyernes na ang alis ni Esther Galvez papuntang Indonesia kung saan siya mananatili nang ilang linggo para magtrabaho. 

Bagama't kumpleto sa bakuna noong bata, aminado siyang nagmadali siyang pumunta ng Bureau of Quarantine (BOQ) para makapagpabakuna at makakuha ng International Certificate of Polio Vaccination (ICV). 

"It was easier than I expected. Just a little complicated because mukhang we’re sharing a line with yellow fever. So we just didn’t know where to go. Otherwise it’s fairly easy," pagbabahagi niya. 

Isa lang ang Indonesia sa mga bansang nire-require magpakita ng vaccination certificate. 

Kabilang din dito ang Brunei, Georgia, Lebanon, Maldives, Oman, Pakistan, at Qatar sa mga bansa na maghahanap ng sertipikasyon mula sa mga papasok na Pilipino.
    
Makikita ang buong listahan ng mga bansang maghahanap ng vaccination requirements sa website ng World Health Organization

Si Francis Salinas naman na papunta ng Canada, minabuti nang kumuha ng ICV kahit pa hindi naman ito rekisito sa naturang bansa.

"Just in case lang hanapan. We don’t know eh, baka hanapan. We don’t want na ma-stuck kami sa immigration," sabi niya.

Watch more in iWant or TFC.tv

Maging ang negosyanteng si Joel Cruz na pupunta ng Holy Land kasama ang pamilya at staff, kumuha na rin ng ICV. 

"Ang dami rin namin. Mahirap kasi na baka pagpasok mo sa isang bansa bigla kang pauwiin... I always travel kaya mabuti nang meron akong yellow card para sigurado na ako sa lahat ng bansang papasukin ko," ayon sa negosyante.

TRUMIPLE

Karaniwang mga seaman ang nagpupunta sa BOQ para kumuha ng ICV para sa yellow fever. 

Pero mula nang pumutok ang polio outbreak, mas marami na ang kumukuha ng certificate para rito. 

"Around 200-300 per day ang nava-vaccinate namin for polio going out of the country... Since magkaroon ng outbreak ng polio mga times 3 ng usual," sabi ni Dr. Julieber Malabat, Medical Officer III ng BOQ.

Libre ang pagpapabakuna sa BOQ pero kailangan bayaran ng P300 ang certificate. 
    
Ang ikinaganda ng ICV, habangbuhay ang validity nito kaya hindi na kailangang mamroblema sa pagpapa-update, basta’t wag lang mawawala. —Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.