Mga doktor na unang sumuri kay Darwin Dormitorio inireklamo sa PRC

ABS-CBN News

Posted at Nov 06 2019 03:20 PM | Updated as of Nov 06 2019 05:29 PM

MAYNILA — Inireklamo nitong Miyerkoles ng pamilya ni hazing victim Darwin Dormitorio ang mga doktor na unang sumuri sa kadete bago ito namatay sa panggugulpi noong Setyembre. 

Nagtungo sa tanggapan ng Professional Regulation Commission (PRC) ang kapatid ni Darwin na si Dexter para magsampa ng administrative case laban sa 4 doktor na unang sumuri sa bagitong kadete ng Philippine Military Academy (PMA). 

Pawang mga doktor sa PMA Station Hospital ang 4. 

Ayon kasi sa ulat, sinabi ng mga doktor na urinary track infection ang sinapit ni Darwin kaya pinabalik ito sa academy imbes na gamutin sa tinamong pinsala sa panggugulpi. 

Nais ng pamilya Dormitorio na matanggalan ng lisensiya ang mga doktor. 

Naniniwala ang pamilya na nagkaroon ng kapabayaan ang mga inirereklamong doktor kaya hindi naisalba ang buhay ni Darwin.

Namatay si Darwin noong Setyembre 18 makaraang sumailalim sa hazing ng kaniyang upperclassmen sa PMA.

Kasalukuyang may nakabinbing kaso laban sa mga kamag-aral ni Dormitorio na direktang nanakit dito, pati na rin sa ilang dating pinuno ng PMA. 


—Ulat ni Johnson Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.