Lalaki patay nang pagbabarilin sa highway sa Misamis Oriental

ABS-CBN News

Posted at Nov 06 2019 04:29 PM | Updated as of Nov 06 2019 04:57 PM

MISAMIS ORIENTAL--Patay ang isang lalaki matapos pagbabarilin sa gilid ng isang highway sa bayan ng Opol, Martes ng gabi.

Nagtamo ng isang tama ng bala sa ulo at dalawang tama sa dibdib ang biktimang si Mohammad Amer Haron.

Sa imbestigasyon ng pulisya, galing sa lecture ng community-based rehabilitation program si Haron nang mapatay ng gunman. 

"Posibleng pauwi ang biktima nang barilin siya," sabi ni Opol Municipal Police Station chief Police Maj. Evary Bacunawa.

Taong 2017 naaresto si Harold dahil sa pagbebenta ng iligal na droga.

Ngayong taon lang siya nakalabas ng kulungan sa pamamagitan ng plea bargaining agreement.

Inaalam pa ng pulisya kung ano ang motibo ng hindi pa nakikilalang salarin. 

"Isa sa tinitingnan naming motibo ay maaring mayroon siyang nakaalitan noon dahil sa iligal na droga. Ngayon na nakalaya na siya, posibleng binalikan siya," dagdag ni Bacunawa.

Patuloy na nananawagan ang pulisya sa sinumang nakakita sa pangyayari, na ipagbigay alam sa kanila para makatulong sa kanilang imbestigasyon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.