ALAMIN: VP Leni maaari bang tumanggi sa posisyong alok ni Duterte?

ABS-CBN News

Posted at Nov 06 2019 12:15 PM | Updated as of Nov 06 2019 12:26 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang co-chairperson ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD) si Vice President Leni Robredo noong Huwebes. 

Hanggang ngayon, wala pang desisyon si Robredo pero ayon sa kaniyang mga kaalyado, tila patibong ang posisyon upang hindi na umano mabatikos ang war on drugs na sinimulan ni Duterte. 

Ayon naman sa opinyon ng abogadong si Atty. Claire Castro, may karapatang tumanggi si Robredo sa alok ni Duterte. 

"Mayroon pong karapatan tumanggi ang ating vice president kung alam niya po na sa panahon na ibibigay sa kaniya ay hindi niya po kayang gampanan 'yung task o obligasyon na maging co-chair," paliwanag ni Castro sa programang "Usapang de Campanilla" ng DZMM. 

Nauna nang sinabi ni Duterte na bibigyan niya si Robredo ng 6 na buwang kapangyarihan para wakasan ang problema sa droga, matapos sabihin ng vice president na "palpak" ang war on drugs.

Pero sakaling tanggapin ni Robredo, hinimok ni Castro ang bise presidente na ilatag ang kaniyang mga kondisyon. 

"[Dapat matingnan] kung ang pag-a-appoint ay hindi lamang dahil napikon ang ating pangulo kung hindi dahil alam niya na may kakayanan ang ating vice president," payo ni Castro. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.