38 tiklo sa anti-drug ops sa Bacoor

ABS-CBN News

Posted at Nov 06 2019 04:53 AM | Updated as of Nov 06 2019 07:04 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

CAVITE—Arestado ang 38 katao, kabilang ang isang bagong panganak na nanay, sa anti-drug operations sa Bacoor City, Cavite.

Nasamsam sa 26 anyos na nanay ang nasa P200,000 halaga ng hinihinalang shabu sa loob ng kaniyang bahay sa Barangay Niog 1.

Ayon kay Police Lt. Col. Vicente Cabatingan, hepe ng Bacoor City police, itinuturing nilang high-value target ang suspek.

Dalawang buwan pa lang nang kapapanganak ng suspek sa ikalimang anak. Aminado siyang inalok siyang magbenta ng droga para may pantustos sa mga bata.

Nahuli rin sa umano'y drug session sa bahay ng suspek ang 6 na iba pa.

Sa 3 araw na operasyon na ikinasa ng Bacoor City police, timbog ang 38 katao.

Kabilang dito ang isang lalaking nakuhanang gumagamit ng umano'y shabu at hinihinalang tulak ng mga nangangalakal ng basura. 

Siyam sa naaresto ay mga babae. Nasabat naman ang halos P500,000 halaga ng droga.—Ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.