31 inaresto sa magkakasunod na raid sa Bacolod, pinalaya na

Nico Delfin, ABS-CBN News

Posted at Nov 06 2019 11:01 PM

BACOLOD—Nakalaya na ngayong Miyerkoles ang 31 sa 42 inaresto sa magkakasunod na raid sa mga opisina ng mga maka-kaliwang grupo sa Bacolod City noong nakaraang linggo.

Sa 31 na nakalaya, 21 ang dating mga empleyado ng Vallacar Transit na nagkataong nasa opisina ng Kilusang Mayo Uno nang mangyari ang raid.

 

Ang natitirang 11 ay kinasuhan ng kasong paglabag sa Comprehensive Law on Firearms, Ammunitions and Explosives.

Bago pinalaya ang 31, nagkaroon pa ng tensiyon sa labas ng Camp Alfredo Montelibano Sr. sa Negros Occidental Police Provincial Office matapos pigilan ng mga pulis na makapasok ang mga abogado at kamag-anak ng mga inaresto at ang mga lider ng mga grupo.

Ayon kay Negros Occidental Provincial Director Police Col. Romeo Baleros, sumusuporta sa mga terorista ang grupo ng mga aktibista kaya nararapat lang na hindi makapasok ang mga itinuturing niyang "persona non grata."

"We do not allow these leftist[s] to go inside the camp," dagdag pa ni Baleros.

Kabilang si dating Bayan Muna Rep. Neri Colmenares sa mga nakaantabay sa paglaya ng mga inaresto.

Para kay Colmenares, patunay ang pagpapalaya sa 31 nilang miyembro na gawa-gawa lamang ang mga isinampang kaso sa mga inaresto.

Huwebes noong nakaraang linggo nang magsagawa ng magkakasunod na raid ang pulisya sa opisina ng KMU, Gabriela at National Federation of Sugar Workers sa Bacolod City.

Umabot sa 60 tao, kabilang ang mga lider ng mga leftist group, ang inaresto.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.