SAPUL SA CCTV: Welder na nagbibisikleta, nahagip ng kotse, tinakasan

ABS-CBN News

Posted at Nov 06 2018 07:40 PM | Updated as of Nov 06 2018 08:14 PM

Inaalam ngayon ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng may-ari ng isang sasakyang nakabundol sa isang construction worker sa bahagi ng Dimasalang Street sa Maynila.

Sakay ng bisikleta, papasok sana sa kaniyang trabaho sa isang construction site sa Santa Cruz ang biktimang si Arvin Desaliza noong umaga ng Sabado nang masagi siya ng isang puting sasakyan.

Watch more in iWant or TFC.tv

Nakita sa kuha ng CCTV na tumilapon si Desaliza dahil sa lakas ng pagkakabundol.

Tinulungan ng mga tao sa lugar si Desaliza at inabot daw ng halos 30 minuto bago siya nakatayo.

Dahil nakuhanan sa CCTV ang insidente, nakuha rin ng mga awtoridad ang plate number ng sasakyan at inaalam na lang kung sino ang may-ari nito.

Nakiusap si Desaliza sa nakabundol sa kaniya na managot sa nangyari at tulungan siya.

"Di mo naman dapat iniwan ako doon noong nabangga mo ako," ani Desaliza.

Ilang araw nang di nakakapasok at patuloy na nagpapahinga si Desaliza matapos magtamo ng mga sugat at pasa. -- Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.