'Salisi sa jewelry shop' nakatangay ng P24,000 halaga ng alahas

ABS-CBN News

Posted at Nov 06 2018 08:00 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sapul sa CCTV ang pananalisi ng isang babae sa tindahan ng alahas sa Barangay Sto. Niño, Marikina. 

Sa CCTV footage noong Sabado ay makikita ang pagpunta ng babae sa tindahan para mamili umano ng alahas. 

Ayon kay Clarissa Badocdoc, saleslady ng jewelry shop, nagkuwento sa kaniya ang salarin na nagpadala daw ng perang Pamasko ang anak nito galing Japan para makabili ng bracelet at hikaw. 

Pinalabas ng salarin mula sa glass case ang mga napiling alahas at sinabing magpapapalit muna ito ng pera na pinadala ng anak. 

Doon na pala pasimpleng inipit ng babae ang isang pares ng hikaw at bracelet sa hawak na papel at ngumiti pa bago umalis. 

Kinutuban si Badocdoc pag-alis ng babae kaya agad niya itong itinawag sa barangay.

Walang bantay sa tindahan bukod kay Badococ dahil umalis ang security guard para kumain ng tanghalian. 

Aabot sa P24,000 ang halaga ng natangay na alahas. 

Hinimok naman ng barangay na makipag-ugnayan sa kanila sa (02) 534-9703 kung may karagdagang impormasyon tungkol sa salarin. 

-- Ulat ni Kevin Manalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.