HULI SA VIDEO: Pulis hinahataw ng baseball bat ang mga bagito

Jeck Batallones, ABS-CBN News

Posted at Nov 06 2018 04:44 PM | Updated as of Nov 06 2018 08:19 PM

(UPDATED) Nakuhanan ng video ang pagpalo ng isang pulis-Cavite sa mga bagitong pulis gamit ang isang baseball bat sa isang kampo sa Tagaytay.

Sa video na nakuha ng ABS-CBN News, mapapanood ang paghataw ng pulis sa binti at puwet ng mga baguhang pulis habang naka-squat ang mga ito.

Watch more in iWant or TFC.tv

Tumangging magbigay ng panayam ang kumuha ng video pero sa kaniyang mensahe, kinilala niya ang namamalong pulis bilang si Superintendent Alex Dimaculangan, dating hepe ng provincial mobile force ng Cavite.

Kinuhanan daw ito sa loob ng Camp Francisco Ferma sa Tagaytay noong Setyembre.

Natatakot daw ang mga bagitong pulis na magsumbong dahil baka hindi umano sila pakinggan ng mga nakatataas kaya patagong kinuhanan ang video.

Inalis na sa puwesto si Dimaculangan at nagkasa na rin ng imbestigasyon ang National Police Commission (Napolcom) sa insidente, sabi ni Senior Superintendent William Segun, hepe ng Cavite police.

Maaari raw ma-dismiss sa serbisyo si Dimaculangan kapag napatunayang nagkasala, sabi ni Segun.

Ayon pa kay Segun, bago pa man lumabas ang video ay may mga natatanggap na silang sumbong ukol kay Dimaculangan.

"Nagulat ako doon sa video noong unang nakita ko. Immediately, noong makita ko 'yon, kinabukasan, ni-relieve ko na siya," ani Segun.

Ipinaliwanag daw ni Dimaculangan kay Segun na dinidisiplina lang nito ang mga baguhang pulis.

"Pero 'yong, the manner na ginawa niya 'yong pagdidisiplina, hindi rin katanggap-tanggap," dagdag ni Segun.

Pinaiimbestigahan din ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año ang insidente.

"I will make sure na magkakaroon ng investigation at kung ano'ng appropriate sanctions and punishment ay ibibigay natin," ani Año.

Ayon naman kay Philippine National Police (PNP) chief Director General Oscar Albayalde, hindi talaga maaalis ang hazing sa PNP.

"I myself, hindi naman natin puwedeng i-deny siguro na hindi ako na-haze even once," ani Albayalde.

"The hazing is ano kasi, is a long-cherished tradition but we want to minimize or at least ma-lessen 'yan," dagdag ni Albayalde.

Nangako rin si Albayalde na siya mismo ang kakausap sa mga baguhang pulis.

Watch more in iWant or TFC.tv

ISUMBONG ANG 'HAZING'

Samantala, hinimok naman ng Philippine Public Safety College (PPSC) ang mga baguhang pulis at mga kadete na iulat sa kanila ang ano mang uri ng hazing ang gagawin sa kanila ng mga pulis o ng mga nakatatanda sa paaralan.

Ang PPSC ang umbrella organization na binubuo ng mga paaralan para sa mga nagnanais maging tauhan ng PNP, Bureau of Fire Protection, at Bureau of Jail Management and Penology.

Ayon kay PPSC President Ricardo De Leon, dapat magsumbong ang mga baguhan para mawakasan na ang mga marahas na initiation rites.

"Magsumbong kayo kung ganito ang violation especially kapag ang dignity ng tao is at stake," ani De Leon.

Dalawang insidente ng hazing ang naiulat sa Philippine National Police Academy (PNPA) sa nakalipas na 10 buwan.

Noong Marso, nasangkot ang ilang kadete dahil sa umano ay panggugulpi sa anim nilang upperclassmen sa Camp Castañeda sa Silang, Cavite.

Nitong Oktubre, lumantad naman ang dalawang kadete na nagsabing inutusan daw sila ng tatlo nilang upperclassmen na magsagawa ng oral sex.

Na-dismiss na ang mga dawit sa pambubugbog noong Marso habang patuloy ang imbestigasyon sa tatlong sangkot sa insidente ng oral sex.

"There was really an effort to do this act, nakakahiya and we will not tolerate this," sabi ni De Leon.

Dagdag pa ni De Leon, may ilang hakbang na silang ipinatupad para maiwasan ang hazing gaya ng pagpalit ng barracks sa mga dormitoryo at pagdagdag sa oras na pumapasok ang mga kadete sa mga klase.

-- May ulat nina Ron Gagalac at Jaehwa Bernardo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.