Mga sangkot sa 'pagtatakip' sa Atio case, pinapa-disbar

ABS-CBN News

Posted at Nov 06 2017 10:14 PM | Updated as of Nov 06 2017 10:34 PM

  • Law students na may kinalaman sa hazing, maaaring di pakuhanin ng Bar exams
  • Atio, hindi agad dinala sa ospital nang mag-collapse
  • Alegasyon ng 'brod' na sakit sa puso ang ikinamatay ni Atio, pinabulaanan

Itinutulak ng isang senador na ma-disbar, o alisan ng titulong 'attorney', ang ilang abogadong miyembro ng Aegis Jvris fraternity.

Ayon kay Sen. Juan Miguel Zubiri, hindi katanggap-tanggap ang aniya'y plano ng ilang abogadong pagtakpan ang hazing na ikinamatay ng University of Santo Tomas law student na si Horacio "Atio" Castillo III. 

Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senado ukol sa kaso ni Castillo, binasa ni Zubiri ang isang Facebook chat sa pagitan ng mga miyembro ng Aegis Jvris matapos mabalitaan ang nangyari kay Castillo.

Ipinahiwatig sa chat na napagkusunduan ng mga nakatatandang miyembro ng fraternity, na karamiha'y mga abogado, na pagtakpan ang hazing at suriin ang mga ebidensiyang maaaring magdiin sa kanilang samahan.

"I believe the lawyers involved in the hazing of Atio Castillo, and of course the subsequent cover-ups, are subject to disbarment proceedings," ani Zubiri.

Sumang-ayon si Bar confidant Cristina Layusa, ngunit nilinaw na kailangan may magsampa muna ng reklamo sa Korte Suprema o Integrated Bar of the Philippines.

"Their actions showed intent to deceive and cover up the results of the crime. [That was] completely unbecoming for an officer of the court," ani Zubiri. 

Dagdag ni Layusa, posibleng hindi pakuhanin ng Bar exams para maging ganap na abogado ang mga estudyanteng may kinalaman sa pagkamatay ni Castillo kung mapatutunayang nagkasala.

Ibinahagi naman ni Manila Police District chief Joel Coronel na nakikipag-ugnayan na sila sa Facebook Philippines upang patotohanan ang laman ng Facebook chat ng mga miyembro ng Aegis Jvris.

Mga huling sandali ni 'Atio' 

Dumalo rin sa pagdinig ang testigong si Mark Anthony Ventura na nagsabing naroroon umano siya sa mismong hazing rites ni Castillo sa frat library sa Sampaloc, Maynila.

Apat na tao umano ang namalo ng dos por dos kay Castillo ngunit tumanggi si Ventura na ibigay ang pagkakakilanlan nila.

Umabot aniya sa kalahating oras matapos tumumba si Castillo bago dinala ang 22 anyos na biktima sa ospital.

Samantala, pinabulaanan ni Dr. Joseph Palmero, police medico legal officer, ang pahayag ng suspek na si John Paul Solano na namatay si Castillo dahil sa sakit sa puso.

Ayon kay Palmero, lumabas sa final autopsy report na "severe blunt traumatic injuries" ang opisyal na sanhi ng pagkamatay ni Castillo.

Sumang-ayon naman dito si Dr. Clarisse Cledera, ang doktor na tumingin kay Castillo nang isugod siya sa Chinese General Hospital noong Setyembre 17.

Itinaggi rin ni Romeo Laboga, driver ng pamilya Trangia, na dinala nila ang bangkay ni Castillo sa ospital matapos ang hazing, taliwas sa salaysay ni Solano.

Sinabi ni Laboga na nasa Meycauayan, Bulacan sila ni Antonio Trangia noong araw na isinugod sa ospital ang bitkima.

Kabilang ang pamilyang pinagsisilbihan ni Laboga sa mga kinasuhan kaugnay sa pagkamatay ni Castillo.

Bumiyahe ang mag-inang sina Rosemarie at Ralph Trangia patungong Amerika noong Setyembre 19, isang araw bago maglabas ang Department of Justice ng immigration lookout bulletin. 

Bumalik ang mag-ina sa Pilipinas noong Oktubre 10.

-- May ulat ni Christian Esguerra, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.