PatrolPH

Mga tao sa Divisoria dumami kasabay ng pagpapatupad ng NCR Alert Level 2

ABS-CBN News

Posted at Nov 05 2021 08:53 PM

Watch more on iWantTFC

Dumagsa na sa Divisoria, Manila ang mga taong nais mamili o mag-canvas ng mga panregalo sa unang araw ng pagpapatupad ng Alert Level 2 sa Kamaynilaan. 

Naging mabagal ang usad ng galaw ng trapiko sa paligid ng Binondo at Divisoria. 

Mayroong mabibili na mga damit, face mask, mga accessory ng gadgets, dekorasyon, gamit sa bahay at mga pagkain. 

Ayon kay Manila Police District (MPD) Station Commander Lt. Col. Rollyfer Capoquian, dumoble ang tao sa lugar sa unang araw ng Alert Level 2. 

Dala-dala rin ng mga magulang ang kanilang maliliit na anak. 

Tuwing rush hour din talaga anila dumadagsa ang mga tao, lalo na ang mga pauwi ng trabaho. 

Nagsimula na rin ang night market bandang alas-6 ng gabi sa magkabilang bahagi ng Recto Ave. 

Pinapayagang pumuwesto ang mga vendor mula alas-6 ng gabi hanggang alas-5 ng umaga. 

Tinitiyak din ng pulisya na pagsapit ng alas-5 ng umaga ay malinis na ulit ang Recto. 

Inaasahan din ng MPD na mas lalo pang dadagsa ang mga tao kaya mas pinaiigting nila ang pagbabantay at nagdagdag ng mga nakauniporme na pulis. 

Paalala rin ng mga awtoridad na sumunod sa health protocols.

-- Ulat ni Wheng Hidalgo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.