TINGNAN: Pinsala ng bagyong Rolly sa coastal town ng CamSur

ABS-CBN News

Posted at Nov 05 2020 08:16 PM

Watch more in iWantTFC

BALATAN, Camarines Sur — Matinding napinsala ng bagyong Rolly ang bayan na ito dahil bukod sa daluyong ay nagkaroon pa ng landslide sa mga apektadong barangay.
        
Saan man tumingin ay bakas ang bagsik ng super typhoon Rolly sa Balatan. 

Bukod sa nagtumbahang puno at poste ng kuryente, may limang landslides na naitala sa bayan kaya ilang araw itong isolated. 

Pero mas matindi ang pinsala sa tabingdagat.

Sa Barangay Siramag, winasak ng malakas na hangin ang mga bahay. Isa rito ang kay Rodelyn Espenida na inabutan ng ABS-CBN News na nagbibilad ng mga nabasang mga gamit ng dalawang anak.

Nilinis na ng mangingisda niyang asawa ang imbakan ng gamit ng kapitbahay para gawing pansamantalang tirahan nila.

"'Yung asawa ko po manglalaot pero hindi po makalaot kasi nasira 'yung bangka na dinadala niya... Nangungutang [muna kami], buti nga may nagpapautang," aniya.

Samantala, mga pader na lang ang natira sa bahay ni Jose Gallardo matapos hambalusin ng mga alon na halos isang palapag umano ang taas.

Bukod sa panawagang maipagawa ang bahay, humihiling si Gallardo ng mga pagkain at gamot lalo na para sa 6 na buwan pa lang na bunso sa 8 anak.

Ayon sa Balatan Municipal Social Welfare Office, maraming bahay rin ang nasira ng malakas na hangin at storm surge sa mga coastal barangay ng Duran, Luluwasan, at Pararaw.

Umabot sa 622 pamilya ang inilikas ng MSWO bago ang bagyo pero hindi pa sila nahahatiran ng tulong dahil patuloy ang clearing operations sa Nabua-Balatan road.
    
Bagsak din ang linya ng komunikasyon sa Balatan.

Target ng LGU na makapamahagi ng ayuda sa weekend.

Kasabay ng damage assessment, namahagi rin ng tulong sa iba’t ibang bayan sa Camarines Sur si Vice President Leni Robredo.

Binisita rin ni Robredo ang Iriga City Hall na lubha ring napuruhan ng super typhoon Rolly.
    

—Mula sa ulat ni Jonathan Magistrado

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.