Negosyante natagpuang patay sa loob ng kotse sa Pampanga

ABS-CBN News

Posted at Nov 05 2020 01:55 AM

Patay na nang natagpuan sa loob ng kotse ang isang lalaking negosyante sa Mabalacat City, Pampanga Martes.

Isang residente ang nakakita sa bangkay sa loob ng nakaparadang sasakyan sa kahabaan ng MacArthur Highway sa Barangay Mabiga sa lungsod. Nakaupo sa driver's seat at may tama ng bala ng baril sa ulo ang biktima.

Kuwento ng nakakita, may tumatagas na dugo mula sa pintuan ng sasakyan kaya napatingin ito. Kaagad niyang ini-report ito sa barangay at nirespondehan ng mga pulis.

Sarado ang pinto ng sasakyan at nawawala ang susi nito.

Inaalam pa ng awtoridad kung sino ang huling nakasama ng biktima. Nakikipag-ugnayan na rin ang pulisya sa mga kalapit na establisimyento na may CCTV na posibleng makapagbigay ng linaw sa nangyaring krimen.

- ulat ni Gracie Rutao